Pinabulaanan ng lolo ni Deniece Cornejo ang mga kumalat na balitang nagtangkang magpakamatay ang dalaga habang nakapiit ito sa Philippine National Police Custodial Center sa Kampo Crame.
Sa ulat ng programang "24 Oras" nitong Linggo, sinabi ni Rod Cornejo, lolo ni Deniece, na masamang-masama ang loob ng dalaga sa pagkaka-dismiss sa kasong rape na isinampa nito laban sa aktor at host na si Vhong Navarro.
Dahil umano sa inis ng model-stylist, naglagay ito ng marka sa kanyang pulso at isinulat ang mga letrang "W" at "R" gamit ang eyebrow liner. Ibig sabihin daw nito ay "women's rights."
Sa hiwalay naman na ulat ng "News TV Live", sinabi ng abugado ni Deniece na si Atty. Salvador Panelo, na ang ginawa ng dalaga ay isang symbolic protest.
Nagsugat ang pulso ni Deniece pero hindi naman daw ito masyadong nagdugo.
Maayos na ang lagay ng dalaga ngayon, ayon pa sa ulat.
Sa isang bukod na pahayag nitong Linggo, ikinlaro ng PNP na hindi nga nagtangkang magpakamatay si Cornejo.
"Please be informed that the alleged slashing of wrist by Cornejo is not true," ayon sa pahayag.
"She was physically inspected… and there were no life-threatening wounds except scratches on her lower left arm," anito.
Hindi umano sumagi man lang sa isip ni Deniece ang magpakamatay, sabi ng PNP. "She was insistent that she never thought about committing suicide. Guards were directed to regularly check on the condition of Ms. Cornejo."
Nitong Biyernes, ibinasura ng Taguig City prosecutor's office ang kasong rape na isinampa ni Cornejo kay Navarro.
Ayon sa piskal, kung ginahasa umano ni Navarro si Cornjeo noong ika-17 ng Enero, hindi na sana nito inimbitahan pa sa kanyang condo ang aktor noong ika-22 ng buwan na iyon. — Rouchelle R. Dinglasan/JDS, GMA News
0 comments:
Post a Comment